HINDI biro ang magkasakit lalo na kung nasa ilalim tayo ng gobyernong matipid sa malasakit.
Sa pagpasok ng tag-init, bawal magkasakit – mas mainam maging handa kesa mataranta sa sandaling may malagay sa peligro – kung hindi man pumanaw – bunsod ng mga sakit na dulot ng tagtuyot na kalakip ng El Nino.
Bukod sa heatstroke, dehydration at sakit sa balat na karaniwan sa tuwing sasapit ang buwan ng Marso, Abril Mayo at hanggang sa kalagitnaan ng Hunyo, angkop na paghandaan ang tamang pag-iwas at pagtugon kontra cholera, chikungunya, at zika virus na karaniwang naitatala sa panahon ng tag-init.
Batay sa mga datos na resulta ng pag-aaral ng mga dalubhasa mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo, karaniwang tumataas mula sa 2.5% hanggang sa 28% ang peligrong dala ng mga virus sa tuwing panahon ng En Nino.
Karaniwang sanhi ng cholera ang maruming tubig na kinakapos sa panahon ng El Nino habang ang chikungunya naman ayon sa mga eksperto ay dulot ng kagat ng lamok na may dalang Togaviridae alphavirus.
Isa hanggang 12 araw umano ang incubation period ng chikungunya na karaniwang nagdudulot ng pananakit ng ulo, muscle pain, pamamaga ng mga kasukasuan at rashes sa balat dahil ang inaatake umano ng virus na ito ay utak, puso, bato at baga ng mga tao.
Higit na nakakaalarma ang banta ng zika virus kapag buntis ang kinagat ng lamok. Sa mga nakalipas na panahon, nakapagtala ng mga kumpirmadong kaso ng zika virus kung saan nadiskubre ang ‘lifelong disability’ sa pinagbubuntis na sanggol.
Ang mga lamok na may dalang zika virus ay karaniwang nangangagat sa pagsikat o paglubog ng araw na nagiging dahilan ng lagnat, pananakit ng ulo, muscle at joint pains, pamamaga ng mata.
Bagamat walang gamot na panlunas ang chikungunya at zika virus, payo ng mga eksperto sa publiko – pag-inom ng mas maraming tubig at sapat na pahinga.