
KALABOSO ang dalawang lalaking fixer ng Land Transportation Office (LTO) sa Dasmariñas City nitong Lunes.
Kinilala ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza ang mga naarestong suspek na sina Juan Miguel Crisostomo, 21, residente ng Imus, Cavite, at Carlito Cambronero, Jr., 40, ng Tagkawayan, Quezon.
Batay sa ulat, nagsagawa ng entrapment ang mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) dahil sa reklamo ng 19-anyos na motorista.
Nag-alok umano ang mga suspek sa motorista na sila na ang maglalakad ng driver’s license nito na non-appearance kapalit ng P8,500.
Dahil dito ay nagsagawa ng entrapment ang mga awtoridad at naaresto ang dalawang suspek matapos matanggap ang marked money.
“Wala pong non-appearance transaction sa LTO at hindi na po kailangan yun dahil mabilis na ang ating proseso dahil sa ating digitalization program. Mapapamahal at mai-scam lang kayo kung papayag kayo sa maling gawain ng mga fixer na ito,” pahayag ng LTO chief.
Nakapiit na ang dalawang fixer sa Cavite Field Office ng LTO habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Republic Act 11032, (Ease of Doing Business and Efficient Delivery of Government Services), kaugnay ng Article 177 ng Revised Penal Code Article 177 (Usurpation of Official Function).