TATLO na ang iniulat na kumpirmadong nasawi sa election-related crime, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Ang tatlong insidente ay naganap uman sa Mindanao, ayon sa police report.
Ayon kay Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang motibo ng pamamaslang.
Sa ulat na kanilang natanggap, sinabi ni Laudiangco na isa ang patay sa Butig, Lanao del Sur na sinasabing asawa ng isang incumbent chairwoman.
Dalawa naman ang patay at isang sibilyan ang sugatan sa isa pang insidente ng pamamaril sa Brgy. Bugawas, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Iniulat din ang insidente ng sapilitang pagpasok ng nasa 50 kalalakihan na pawang may bitbit na bolo sa isang eskwelahan sa Datu Odin Sinsuat subalit agad na naagapan ito ng mga pulis.
Giit ni Laudiangco, under control na ang mga nasabing lugar dahil sa agarang pagresponde ng PNP.