HINDI pa man ganap na nakakabangon ang industriya ng paghahayupan sa lalawigan ng Bataan, nakapagtala ng mga panibagong kaso ng African Swine Fever (ASF) virus ang Provincial Veterinary Office (PVO) sa limang nasasakupang lokalidad.
Partikular na tinukoy ni provincial veterinarian Dr. Alberto Venturina ang mga bayan na tinamaan ng ASF – ang Orion, Morong, Samal, Hermosa at Pilar.
Batay sa impormasyong nakalap ng PVO, lumalabas na pawang mga baboy sa backyard farms ang tinamaan ng ASF. Gayunpaman, walang sinabi ang naturang tanggapan kung ilan ang eksaktong bilang ng mga baboy na kontaminado.
“It could have been transmitted from traders or byahero and feed agents,” paliwanag ni Venturina.
Dahil dito, kinakailangan aniyang magkaroon ng veterinary health certificate at kailangang isailalim sa ASF test ang isang baboy bago ito katayin sa slaughter house.
Matatandaan na unang nakapagtala ng malalang kaso ng ASF sa Bataan noong Enero 2020 na kung saan ay umabot sa 11 bayan at 1 siyudad ang apektado na nagresulta noon upang isagawa ang depopulation sa mga alagang baboy.