PITONG Chinese national at mga kasabwat na mga Pinoy ang inaresto matapos salakayin ang bodega ng umano’y pagawaan ng pekeng sigarilyo sa Brgy. Adia at Pansipit sa Agoncillo, Batangas.
Ayon kay PRO4A Regional director PBGen Paul Kenneth T Lucas, isinagawa ang operasyon ng PNP-Calabarzon, Agoncillo Municipal Police Station at BIR matapos makatanggap ng report hinggil sa pagawaan ng ilegal na sigarilyo.
Narekober sa raid ang apat na mga makinarya, 30 sako ng pure tobacco, packing materials, at 331 kahon ng sigarilyo.
Maliban dito ay sinalakay rin ng grupo ang isa pang warehouse sa Brgy. Pansipit kung saan narekober ang nasa 341 na kahon ng pekeng sigarilyo.
Sa kaubuuan ay umaabot sa mahigit P21 million pesos ang halaga ng sigarilyo na kinumpiska na ng BIR.
Nasa P300 million naman ang halaga ng kabuuang mga gamit na narekober sa naturang mga pagawaan.
Matatandaang unang naaresto ang tatlong inbidwal matapos na magbenta ng mga smuggled na mga sigarilyo sa Brgy. Adia ng naturang bayan.
Kinilala lamang ng Agoncillo MPS ang mga suspek na sina alyas Ruvic, 22 anyos; Nekey,28 at Aljen, 52 anyos na pawang mga nagmula pa sa Cebu City.
Ayon sa imbestigasyon, ikinasa ng mga otoridad nitong gabi ng Miyerkules, Nobyembre 22, kasama ang mga tauhan ng BIR Region 9 ang buy-bust operation kung saan aktong nahuli ang mga suspek nagbebenta ng pekeng mga sigarilyo.
Narekober mula sa mga ito ang dalawang kahon ng New Two Moon na sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng 32,000 pesos.
Nakuha rin sa kanila ang 200,000 pesos na buy-bust money.
Nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga suspek na mahaharap sa kasong smuggling, illegal trade, at iba pang paglabag na may kaugnayan sa National Internal Revenue Code of 1997 partikular ang cigarettes smuggling.
Related Stories
December 5, 2024