ALINSUNOD sa programang sapat at abot-kayang pagkain para sa lahat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sanib-pwersang isusulong ng magkaratig bayan ng Angono at Taytay ang kabuhayan ng mga magsasaka sa gawing hangganan ng mga naturang bayan.
Sa isang pulong na ginanap sa bulwagan ng bahay-pamahalaan, tinalakay ni Angono Mayor Jeri Mae Calderon, kasama ang mga kinatawan ng mga munisipalidad ng Taytay at Angono, kasama ang mga lider magsasaka mula sa dalawang bayan ang mga programang pangkabuhayan — kabilang ang taniman ng kangkong — sa baybaying bahagi ng Laguna de Bay.
Bahagi rin ng pagbalangkas ng panuntunan sa kolektibong pagkilos ng dalawang munisipalidad ang mga hepe ng tanggapan ng Angono Business Permits and Licensing Office, Municipal Planning and Development Office, Konsehal Toybits Cruz ng Taytay, Konsehal Bitoy Matusoc ng Angono at Angono Municipal Administrator Alan Maniaol.
“Naniniwala po kami na mas magiging epektibo ang anumang programa ng gobyerno kung magkakaisa ang sambayanan — ang mga lokal na pamahalaan, mga mamamayan at ang iba’t ibang sektor ng lipunan,” maikling pahayag ni Calderon.