NANINDIGAN ang Sandiganbayan sa inilabas na hatol laban kay dating Maguindanao Governor Sajid Ampatuan kaugnay ng mga P16.3-milyong halaga ng mga ghost purchase noong taong 2009.
Sa resolusyon ng Sandiganbayan Fifth Division, tinabla ang hirit na inihain ng kampo ni Ampatuan para baliktarin ang naunang desisyon ng anti-graft court sa kasong graft at malversation of public funds na isinampa laban sa dating gobernador.
Para sa Sandiganbayan, hindi angkop ang hindi pagdalo ni Ampatuan sa itinakdang petsa ng hatol sa kinakaharap na kaso. Sa ilalim ng umiiral na batas, kailangan sumuko ang isang akusadong nasintensyahan sa loob ng 15 araw mula sa petsa ng paglabas ng hatol.
“The failure of the respondent to regain his standing in court rendered the judgment of conviction against him final and immutable,” saad sa isang bahagi ng kalatas ng Sandigan Fifth Division.
Naglabas na rin ng mandamiento de arresto ang korte bago pa man inilabas ang kapasyahang nagbasura sa apela ni Ampatuan.
Para sa kasong katiwalian, hinatulan si Ampatuan ng anim hanggang 10 taong pagkakakulong kasama ang dating provincial budget officer Datu Ali Abpi na siya ring tumayong chairman ng bids and awards committee ng lalawigan.
Sa kasong malversation, 10 hanggang 18 taon sa kulungan ang sintensya ng husgado.
Bukod sa pagkabilanggo, pinatawan din ng diskwapikasyon sa anumang pwesto sa gobyerno ang dating gobernador, bukod pa sa multang P16.33 milyon – katumbas ng pondong ginugol ng pamahalaang lalawigan sa panahon ng panunungkulan sa kapitolyo.
Kasalukuyang Vice Mayor ng bayan ng Shariff Saydona si Ampatuan.