
TULUYAN nang diniskuwalipika ng Commission on Elections (Comelec) ang isang bise-gobernador bunsod ng paggamit ng pasilidad ng gobyerno sa paglilimbag ng campaign materials na ginamit noong nakaraang halalan.
Sa kalatas ng Comelec, laglag si Aurora Vice Governor Gerardo “Jerry” Noveras dahil sa paggamit umano ng tarpaulin printer na pag-aari ng pamahalaang panlalawigan.
“Wherefore, premises considered, the Commission (First Division) hereby resolves to grant the instant petition. Respondent Gerardo “Jerry” Noveras is disqualified,” ayon sa resolusyon isinulat ni Comelec First Division Presiding Officer Socorro Inting at kinatigan nina Commissioners Aimee Ferolino at Ernesto Ferdinand Maceda Jr.
Batay sa resolusyon nilabag ni Noveras ang Section 261(d)1) ng Omnibus Elections Code base sa mga ebidensyang inihain sa komisyon ng karibal na si Narcisco Amansec.
Aktwal umano niyang nasaksihan at ng kanyang asawa sa Aurora Training Center (ATC) Compound noong Marso 30, 2022 ang pag-imprenta sa mga tarpaulin at campaign materials ni Noveras.
Sinagot naman ito ni Noveras na ang paglabag sa Section 261 (o) ay hindi kasama sa mga grounds para madiskuwalipika ang isang kandidato.
Ngunit base sa mga ebidensya, iginiit ng Comelec First Division na nagkaroon ng multiple paglabag ng OEC si Noveras at mayroong “undue advantage” habang hawak ang kanilang posisyon bilang punong-lalawigan ng Aurora.
Binigyan naman ng limang araw ng Comelec si Noveras para maghain apela.
Sa kabila ng diskwalipikasyon, hindi na magagawa pang pumalit sa pwesto si Amansec na pinaslang ng hindi pa nakikilalang salarin ilang buwan matapos ihain ang kaso laban kay Noveras.