Sa gitna ng pag-alboroto ng Mayon, mahigpit na ipinagbabawal ang bentahan at pag-iinuman bilang bahagi ng paghahanda sa agarang pagkilos sa sandaling magkaroon ng mas malakas na pagsabog ng bulkan sa mga susunod na buwan.
Bukod sa evacuation centers, kasado rin ang liquor ban sa mga barangay na pasok sa six-kilometer radius mula sa bunganga ng Mount Mayon, batay sa direktiba ni Sto. Domingo Mayor Joseling Aguas.
Sa pagtaya ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Teresito Bacolcol, posibleng abutin pa ng ilang buwan bago sumambulat ng husto ang bulkan.
Aniya, lubhang mabagal ang activity na ipinakikita ng Mayon na nakapagtala lang sa nakalipas na 24 oras ng isang volcanic quake (mula sa dating 21) at nagluwa lamang ng 723 tonelada ng asupre (mula sa dati ay libong tonelada).
Batay aniya sa mga pag-aaral, tumataas ang bilang ng volcanic quakes at pagdami ng iniluluwang asupre habang papalapit ang malakas na pagsabog – mga senyales na hindi pa rin ipinamalas ng Mayon.
Bagamat mabagal ang aktibidad ng bulkan, nagbabala naman ang Phivolcs chief sa planong pagbabalik ng mga pamilyang nasa evacuation centers sa kani-kanilang tahanan, kasabay ng pagtitiyak ng pagsabog ng Mayon sa mga susunod na buwan.
Sakali anya na bumaba pa ang aktibidad ng bulkan at maaari na nilang maibaba ang alert level status ng bulkan ay yaong mga nasa labas ng 6 km PDZ pa lamang ang maaaring makauwi pero ang mga nasa loob ng PDZ ay matatagalan bago makabalik sa kanilang tahanan.
Umaasa naman si Bacolcol na magkakaroon na lamang ng tahimik na pagsabog ang bulkan tulad ng nangyari noong 2018 at 2014.
Nasa 8,000 pamilya mula sa 26 na barangay na pasok sa permanent danger zone ang inilikas na pamahalaan.