SA kabila ng patuloy na pagbaba ng bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19, walang plano ang lokal na pamahalaan ng Angono na buwagin ang Epidemiology and Surveillance Unit.
Sa kalatas ni Mayor Jeri Mae Calderon, binigyang diin ang importansya ng patuloy na pagmamatyag sa kalusugan ng mga residente ng nasasakupang bayan, kasabay ng giit na mas mainam maging handa – may pandemya man o wala.
“Hindi limitado sa COVID-19 ang ating paghahanda. Huwag natin kalimutan na marami pang ibang karamdaman ang nakaamba tulad ng tuberculosis, chickenpox, dengue, diphtheria, hepatitis, tigdas at iba pang nakakahawang sakit.,” sambit ng alkalde.
Kaugnay nito, binigyang pagkilala ng Center for Health Development (Calabarzon Region) sa ilalim ng Department of Health (DOH) ang Angono kaugnay ng agresibong tugon at pagsusulong ng kalusugan ng mga mamamayan.
“The Department of Health Regional Center for Health Development commend the Municipal Epidemiology and Surveillance Unit for its relentless field monitoring and evaluation – for which it was created,” pahayag ng kagawaran.
Pasasalamat naman sa pagkilala ang tugon ni Calderon sa iginawad na parangal sa ginanap na First Integrated Regional Awarding for ESUs sa lalawigan ng Batangas.
Binigyang pagkilala rin ng alkalde ang mga aniya’y tunay na bida sa kasagsagan ng pandemya.
“Isang malaking pagbati at pasasalamat sa mga taong nasa likod ng pagpapalakas at pagiging aktibo ng Disease Surveillance sa Bayan ng Angono, mula sa Barangay Health Station level na kinabibilangan ng mga BHWs, DOH HRH Angono, Midwives etc. hanggang sa Municipal level sa pangunguna ni Dr. Jose A. Lozo (Municipal Health Officer) kabilang sina Dra. Ginger Grace Miranda, Dr. Rodolfo Narciso, Dr. Gabriel Lozo, Arlene Reyes, RN (MHO Admin Officer), Ruby Villar, RN (Disease Surveillance Officer) at Ronald Allan Bularin (Asst. Disease Surveillance Officer) at iba pa.”
Hindi rin aniya matatawaran ang pakikiisa ng mga residente ng baybaying lokalidad.