HINDI nakalusot ang pagiging henyo ng isang sindikato matapos mabulilyaso ng mga alistongb kawani ng Bureau of Customs (BOC) ang nasa P5.7-milyong halaga ng drogang ikinubli sa mga butones na inangkat pa mula sa bansang Zimbabwe.
Sa kalatas ng BOC-Port of Clark (BOC-Clark), silat ang mga drogang matiyagang isiniksik sa loob ng 255 butones at sa ‘concealed compartment’ ng mga kahon na sisidlan ng kargamento.
Ayon kay BOC-Clark district collector John Simon, nabisto ang tanglang pagpupuslit ng droga noong nakaraang linggo matapos sumailalim sa pagsusuri ang mga kontrabando gamit ang makabagong x-ray scanner at trace detector.
Nang buksan ang kargamento, tumambad ang 838.6825 gramo ng methamphetamine hydrochloride na mas kilala sa tawag na shabu. Agad namang sinuri ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pinaniniwalaang droga. Ang resulta – positibong shabu.
Nahaharap naman sa kasong paglabag ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) at RA 108663 (Customs Modernization and Tariff Act) ang nakatalang consignee.
Babala ni Simon sa mga sindikato, umiba na lang ng linya.
“With the enhanced measures that we are implementing, we will not let these illegal drugs enter our borders and reach the public. The BOC continues its commitment in curbing drug smuggling,” ani Simon.