Ni Estong Reyes
SA patuloy na pagbibigay ng tulong ni Senator Alan Peter Cayetano sa mga Filipinong nangangailangan, natulungan kamakailan nito ang daan-daang katao mula sa iba’t-ibang sektor sa lalawigan ng Quezon nitong ika-10 at ika-11 ng Oktubre, 2023.
Nitong Martes, nag-organisa ang Cayetano Caravan, sa pakikipagtulungan nina Mayor Aris Aguirre at Vice Mayor Jay E. Castilla, ng isang aktibidad na naglalayong iangat ang buhay ng mahigit 200 residente ng Munisipyo ng Mulanay.
Isa sa mga benepisyaryo ay si Richard Untalan, isang may kapansanan na nakakaranas ng hirap sa paghanap ng kabuhayan.
“Nagpapasalamat po ako kay Senator Alan Cayetano. Gagamitin ko po ito sa pagbili at mag-aalaga po ako ng biik para may pagkukunan ako [ng pera] ‘pag nangailangan,” wika niya.
Nagpasalamat din si Sadelyn Iduse, isang public school teacher na kapapanganak pa lamang, at sinabing hindi niya inaasahan ang tulong na natanggap mula sa Senador.
“Hindi ko po ito inaasahan pero dahil mayroon tayong senador na tumitingin sa aming mga guro kaya naman po kami [ay] nagpapasalamat,” wika niya.
Bumisita rin ang opisina ang Cayetano Caravan sa Lucena City kinabukasan para maabot ang mas marami pang nangangailangan sa lalawigan. Sa magkasanib na pagkilos kasama sina City Mayor Mark Alcala at Vice Mayor Roderick Alcala, ang sektor ng media ng lungsod ay nabigyan din ng kinakailangang tulong dahil ang kanilang kabuhayan ay naapektuhan ng pandemya.
Ang dalawang araw na outreach visits ay naging posible sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis (AICS) program ng Department of Social Work and Development (DSWD).
Ang mga aktibidad na ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ni Cayetano na makipagtulungan sa mga ahensya ng gobyerno at mga local government units para maabot ang mas maraming marginalized at vulnerable sectors sa bansa.
Bago bumisita sa Quezon, isinagawa din ng kanyang tanggapan ang Tulong-Medikal at AICS programs ng Senador sa mga lalawigan ng Maguindanao del Norte at Cavite.