HALOS dalawang linggo matapos nabalitang nawawala, natagpuang wala ng buhay sa Imus (Cavite) ang isang estudyanteng pinaniniwalaang biktima ng hazing sa lalawigan ng Laguna.
Kinilala ng pulisya ang biktimang si John Matthew Salilig, isang engineering student mula sa Adamson University sa lungsod ng Maynila.
Sa tala ng Manila Police District, Pebrero 20 pa nang idulog ng kapatid ng biktima ang pagkawala ng engineering student na nagpaalam sa pamilya noong Pebrero 17 para dumalo sa ‘welcoming rites’ ng Tau Gamma Phi sa lalawigan ng Laguna.
Ayon sa isang kapatid ng biktima, matapos ang halos isang linggo na hindi makontak ang biktima, nakatanggap di umano siya ng isang text message sa kanyang messenger app kung saan ipinagtapat ang sinapit ng nawawalang kapatid na huling nakitang buhay sa bus terminal sa lungsod ng Pasay.
Sa imbestigasyon, napag-alamang bumaba ang biktima sa Biñan kasama ang iba pang miyembro ng fraternity.
Sa tulong ng mga saksi, natukoy ang pagkakakilanlan ng 18 suspek – isa sa kanila, umamin namatay si John Matthew sa tindi ng hirap na inabot sa kamay ng mga kasama. Aniya, 70 palo ng balila ang inilapat sa katawan ng biktimang binawian ng buhay habang nakasakay sa SUV pagkatapos ng initiation rites.
Ang aminadong suspek pa, ayon sa pulisya, ang nagturo sa lugar kung saan itinapon ang bangkay ni John Matthew.
Samantala, sumipa na rin ang imbestigasyon ng Adamson University hinggil sa naturang insidente, kasabay ng pagitiyak na makikipagtulungan sa pulisya para agad na maresolba ang kaso.
Tumanggi naman ang pulisya na pangalanan ang mga suspek hanggat hindi pa nadarakip sa mga kinasang follow-up operations.