PARA kay Senador Mark Villar, lubhang nakababahala ang patuloy na pagtaas sa bilang ng mga insidente ng karahasan sa loob ng mga paaralan. Sa isang kalatas, mariing kinondena ni Villar ang pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University nitong Martes na ikinasawi ng dalawang estudyante, kasabay ng pagpapahayag ng matinding pagkabahala sa panibagong insidente ng karahasan sa loob mga paaralan. Batay sa mga paunang ulat, nangyari ang pamamaril bandang alas-8:30 ng umaga sa loob ng paaralan. Dalawang estudyante ang nasawi sa insidente, kabilang ang hinihinalang namaril, habang dalawa pang indibidwal ang iniulat na nasugatan. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong pangyayari. “Lubos tayong nalulungkot at nababahala sa nangyaring pamamaril sa loob mismo ng isang paaralan sa Zamboanga City. Mariin natin kinokondena ang anumang uri ng karahasan sa ating mga paaralan. Taos-puso tayong nakikiramay sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay, at ipagdasal natin ang agarang paggaling ng mga nasugatan at ang buong komunidad ng paaralan na naapektuhan ng trahedyang ito,” ani Villar. Binigyang-diin ng senador na higit na nakababahala ang insidente dahil nangyari ito sa isang lugar kung saan dapat ligtas at protektado ang mga kabataan. “Walang magulang ang dapat matakot na baka hindi na makauwi nang ligtas ang kanilang anak mula sa paaralan. Ang ating mga paaralan ay dapat manatiling ligtas na lugar kung saan malayang makapag-aaral, uunlad, at makakamit ng ating mga kabataan ang kanilang mga pangarap nang walang takot,” ani Villar. Ayon kay Villar, ipinapakita ng insidente na kailangan ng mas komprehensibong pagtugon sa kaligtasan sa mga paaralan. Bukod sa pagpapatibay ng seguridad, kailangan ding palakasin ang maagang pagtukoy sa mga posibleng banta, kahandaan sa oras ng emergency, guidance services, psychosocial support, at agarang intervention para sa mga estudyante. “Hindi na natin maaaring hintayin na may masaktan o mawalan ng buhay bago tayo kumilos. Kailangan nating matukoy nang maaga ang mga banta, palakasin ang seguridad sa ating mga paaralan, at tiyaking mayroong sapat na gabay at suporta para sa ating mga estudyante. Dapat nakatuon sa pag-iwas at maagap na pagtugon ang ating mga hakbang,” ani Villar. Muling nanawagan ang senador para sa pagpasa ng Senate Bill No. 2321, o ang panukalang LIGTAS Act, na naglalayong magtatag ng komprehensibong sistema para sa kaligtasan at seguridad ng mga paaralan sa basic education sa buong bansa. Kabilang sa panukala ang mas matibay na sistema sa pagtukoy at pag-uulat ng mga banta, mas malapit na koordinasyon sa pagitan ng mga paaralan at law enforcement agencies, emergency response protocols, agarang pagbibigay-alam sa mga magulang, kahandaan sa first aid, regular na emergency drills, at crisis counseling. Binigyang-diin din ni Villar ang Senate Bill No. 2133, o ang panukalang Students’ Guidance Counseling Act, na naglalayong palakasin ang guidance at school-based mental health services at gawing mas accessible sa mga estudyante ang mga kwalipikadong propesyonal, preventive programs, referral mechanisms, at naaangkop na intervention. “Ang kaligtasan sa paaralan ay hindi lamang tungkol sa pagbabantay sa mga gate at silid-aralan. Kailangan din nating magkaroon ng sistema na kayang makakita ng mga babalang senyales at mga taong handang makinig, gumabay, at tumulong sa ating mga estudyante bago pa lumala ang isang sitwasyon,” ani Villar. “Sa bawat trahedyang nangyayari sa loob ng paaralan, hindi sapat ang pakikiramay lamang—kailangan itong samahan ng konkretong aksyon. Dapat nating palakasin kapwa ang seguridad at support system sa ating mga paaralan upang matiyak na ang bawat batang Pilipino ay makapag-aaral at makakauwi nang ligtas sa kanilang pamilya,” dagdag ni Villar. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation BARMM Chief Minister inambus sa Datu Odin