
Ni Lily Reyes
BINAWIAN ng lisensya ng Land Transportation Office (LTO) ang isang babaeng nakahagip ng siyam katao sa lungsod ng Calamba, sa lalawigan ng Laguna noong Undas.
Para kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, malinaw na paglabag sa Republic Act 4136 (Land Transportation and Traffic Code) at RA 10586 (Anti-Drunk and Drugged Act of 2013) ang ipinamalas ng hindi pinangalanang SUV driver na aniya’y napag-alamang lango sa alak nang maganap ang insidente.
Paglilinaw naman ni LTO – Calabarzon Regional Director Cupido Gerry Asuncion, hindi na muna pahihintulutan magmaneho ng anumang uri ng sasakyan hanggang Nobyembre 2027 ang suspek.
Pinatawan rin ng multa ang babaeng driver.
Nauna nang iniutos ni Mendoza ang 90-araw na preventive suspension sa driver’s license ng lady driver matapos ang aksidenteng ikinasawi ng apat na miyembro ng pamilya, bukod pa sa limang iba pang nasaktan.
Batay sa imbestigasyon, lumihis ang minamanehong Ford Raptor ng babaeng suspek patungo sa kabilang lane ng national highway sa Barangay Bucal noong Nobyembre 1 at sinalpok ang isang tricycle at dalawa pang sasakyan.
Sinampahan na din ng pulisya ng kasong kriminal ang babaeng driver kaugnay sa aksidente.