
HINIMOK ng mga lokal na ehekutibo sa Sultan Kudarat province ang mga nalalabing miyembro ng New People’s Army na sumuko kasunod ng pagkamatay ng kanilang lider sa maikling engkuwentro sa mga sundalo sa bayan ng Kalamansig.
Kinumpirma ni Brig. Gen Michael Santos, kumander ng Philippine Army 603rd Infantry Brigade, Maj. Gen. Alex Rillera ng 6th Infantry Division, at mga miyemro ng municipal peace and order council sa Kalamansig, Sultan Kudarat, ang pagkamatay ni Ray Masot Zambrano.
Wanted si Zambrano sa mahigit isang dosenang kasong criminal sa iba’t ibang korte sa Region 12 at top leader ng Timlas Platoon ng Far South Mindanao Region Command ng New People’s Army.
Nauna umanong magpaputok ang kampo ni Zambrano sa mga opisyal ng 37th Infantry Battalion na nagtungo sa lugar matapos ireport ang presensiya sa masukal na lugar sa Obial village, Kalamansig.
Sinabi ni Santos na matagal nang inirereklamo ang kalupitan ng grupo ni Zambrano at nang makit ito sa lugar ay agad ipinaalam sa militar.
Iniwan ng mga kasama si Zambrano maging ang kanyang armas na AK-47 rifle at 45 caliber pistol at iba pang gamit nang malapit na silang masukol.