
HINDI man nareresolba ang mga kaso ng pamamaslang sa magkakahiwalay na ambush sa Lanao del Sur, Pasay at Pampanga, isa pang politiko ang pinaslang hindi hindi pa mga nakikilalang salarin sa bayan ng Pamplona sa lalawigan ng Negros Oriental.
Sa paunang ulat ng Philippine National Police (PNP) sa Central Visayas Region, kinilala ang bitkimang si Negros Oriental Gov. Roel Degamo bunsod ng hindi mabilang na tama ng bala.
Bukod sa gobernador, siyam na iba pa ang nasugatan sa walang habas na pamamaril sa loob ng tahanan ng biktima, ayon kay Lt. Col. Gerard Ace Pelaro na tumatayong tagapagsalita ng PNP-Central Visayas.
“The perpetrators were in full battle gear when they shot the governor several times,” ani Pelare base sa salaysay ng mga biktima.
Sa isang pahayag, tiniyak naman ni Negros Oriental PNP provincial director Col. Reynado Lizardo na patuloy ang pagtugis ng mga hindi pa natutukoy na suspek.
Kabilang sa nakikitang motibo ng mga kaanak ng gobernador ang hidwaan sa pulitika.
Higit na kilala si Degamo sa kontrobersyal na desisyon ng Commission on Elections kaugnay ng nakaraang halalan noong Mayo ng nakalipas na taon.
Sa naturang halalan, tinalo si Degamo ni Pryde Henry Teves na nakakuha ng 296,897 boto laban sa pinakamalapit niyang katunggaling si Degamo na mayroon lang 277,462 boto para sa posisyon ng gobernador.
Gayunpaman, binaliktad ng Comelec ang resulta ng halalan pabor kay Degamo sa bisa ng petisyon nagsusulong sa diskwalipikasyon ng isang nuisance candidate sa pangalang Grego Gaudia na gumamit ng pangalang Ruel Degamo bilang alyas.
Pinalitan ni Degamo si Teves na nagsilbing gobernador sa loob lang ng apat na buwan.