YAMAN din lamang hindi magpapa-awat ang mga operator at tsuper ng mga traditional jeeps sa kanilang itinakdang tigil-pasada sa Lunes, minabuti ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na magbigay agapay na lang sa hanay ng mga pasaherong apektado.
Sa kalatas ni NCRPO chief Major Gen. Alan Okubo, inatasan ang limang distrito na magdispatsa ng mga sasakyan ng PNP para sa ikinasang “oplan Libreng Sakay” sa 17 lokalidad sa Metro Manila.
Bahagi rin ng direktiba ni Okubo ang imbentaryo ng mga pulis na itatalaga sa mga lansangan sa hangaring tiyakin ang kaayusan sa inaasahang protesta ng mga grupo ng mga apektadong sektor ng transportasyon.
Sa paunang datos ng NCRPO, 10 sasakyan ang ikakalat sa buong Metro Manila, kabilang ang limang shuttle buses, isang mini bus at apat na trak na walang tigil na aarangakada mula Marso 6 hanggang 12 ng kasalukuyang taon.
Kung kakapusan pa aniya, posible rin gamitin ang mga mobile patrol cars – para naman sa mga nakatatanda, buntis at may kapansanan.
Direktiba pa ni Okubo sa mga district directors, makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para sa implementasyon ng programang libreng sakay na tugon sa tigil-pasada.
Bukod sa mga sasakyan, nakatakda rin ikalat sa loading and unloading areas sa buong Metro Manila ang nasa 4,356 NCRPO para sa agarang responde sakaling sumiklab ang gulo.
“We wanted to ensure readiness to address all foreseeable circumstances and to immediately respond should our presence and assistance be necessary during the transport strike. Constant coordination with the LGUs and other government agencies will be made to identify other concerns that are needed to be addressed on the ground,” wika ng NCRPO chief.
“Naiintindihan ng inyong kapulisan sa NCRPO ang hirap na pinagdadaanan ng ating mga commuters dito sa Metro Manila. Lalo pa ngayon na may isasagawang transport strike, kung kaya’t ang buong pwersa ng kapulisan ng NCRPO ay handang magpaabot ng tulong sa paraang aming makakayanan upang mabawasan ang hirap ng ating mga kababayang maaapektuhan ng nasabing transport strike sa susunod na linggo.”