
MATAPOS ang tatlong taon, muling magbabalik ang tradisyong dinarayo ng mga dayuhang turista tuwing Semana Santa – ang pagpapapako sa krus.
Ayon kay Rene Enaje, isang debotong higit na kilala sa taunang pagpapapako sa sarili sa krus, puspusan na ang paghahanda ng 20 iba pang unang nagpahiwatig ng interes sa kinagisnang tradisyon.
Sa mga nakalipas na panahon, daan libong turista ang dumarayo sa Barangay San Pedro Cutud, sa San Fernando City para saksihan ang pamamanata – ang pagsasadula ng mga huling sandali ni Hesukristo.
Kabilang sa inaabangan ng mga turista ang makukulay na kauotan ng mga gumaganap, makatotohanang penitensya, pagpasan patungo sa kalbaryo hanggang sa aktwal na pagpapapako sa krus.
“Maligaya naman ang pakiramdam namin dito lalo na yung mga namamanata – yung nagpapadugo, wala na daw bawal-bawal, tuloy-tuloy na,” sambit ni Enaje habang ibinibida ang ang mga damit, balabal, krus at pakong gagamitin sa pagsapit ng Biyernes Santos.
Gayunpaman, dumistansya ang Simbahang Katoliko sa anila’y literal pamamanata. Anila, may ibang paraan para ipamalas ang pagsisisi – at hindi kabilang ang pananakit sa sarili.
Taong 2020 nang ipagbawal ng pamahalaan ang taunang penitensya sa Pampanga bunsod ng banta ng pandemya.