Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
KASABAY ng pangamba sa banta sa seguridad ng bansa sa biglang pagdami ng Chinese students sa Cagayan province, nabahala rin si House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo sa di umano’y sa P1.2 milyon na matrikulang bayad ng mga foreign students sa mga paaralan sa nasabing lalawigan.
“The recent revelation that a Chinese student was paying P1.2 million in school fees in the Philippines raises significant national security concerns. This incident underscores the need for rigorous scrutiny of financial transactions within our educational institutions, especially those involving foreign nationals,” pahayag ni Tulfo sa pagdalo sa House inquiry kaugnay ng naglipanang Chinese nationals na nag-aaral sa Cagayan.
“It prompts an urgent review of our policies to ensure that they do not inadvertently compromise the country’s security and sovereignty. The government must act swiftly to implement measures that safeguard our national interests while maintaining the integrity and accessibility of our educational system,” giit pa ng ranking House official.
Sa nasabing House probe, ibinunyag ni Cagayan 3rd Dist. Rep. Joseph Lara, na nag-sponsor ng pagpapatawag ng imbestigasyon, na inamin mismo ng pamunuan ng St. Paul University sa Tuguegarao na nagbabayad ng P1.2 million ang kada Chinese national para makapag-aral sa nabanggit na paaralan.
“It was not denied by the representative of St Paul University, PJ Lappay, that the current fee paid by a Chinese student in St. Paul is one million two hundred thousand pesos (Php 1,200,000.00),” saad pa ni Lara.
Ani Lara, aabot sa 4,600 Chinese students ang naka-enroll sa mga paaralan sa Cagayan simula pa noong 2019 at target pa na paabutin ng 10,000.
Ikinagulat ito ni Tulfo kasabay ng matinding pagkabahala sa seguridad ng bansa.
Mismong ang ranking House official ay umamin na nasaksihan niya ang pagdagsa ng mga Chinese student sa kanyang huling pagbisita sa Tuguegarao City ilang linggo na ang nakalipas.
“Nagulat ako kasi karamihan sa mga sinasabi nilang mga estudyante ay hindi naman mga mukhang estudyante. Karamihan sa kanila mga itsurang matanda na. Ito ang nakakabahala, baka mamaya sinasakop na nila ang ating bansa,” aniya pa.
Bukod sa St. Paul University, dumagsa rin umano ang mga Chinese student sa St. Louis University sa Tuguegarao. Ibinunyag naman ni Tulfo na nakatanggap din siya ng ulat na maging sa Enrile at Sta. Ana, Cagayan ay dinadagsa na rin ng mga Chinese nationals.
