IBA nga naman ang bilis ng aksyon sa tuwing prominenteng tao ang sangkot. Katunayan, may ‘persons of interest’ nang tinitignan ang Philippine National Police (PNP) kaugnay ng pananambang kamakailan sa Lanao del Sur kung saan apat na tao ang nasawi habang sugatan naman si Gov. Mamintal Adiong Jr. at isa pa.
Ayon kay Col. Jean Fajardo na tumatayong tagapagsalita ng PNP, patuloy pang nangangalap ng salaysay ng mga testigo ang pulisya sa hangarin matunton ang mga nasa likod ng pananambang.
“May mga indibidwal na tayong tinututukan diyan at kinukuhanan na lang natin ng statement yung mga witnesses natin diyan kasama na yung ating victim survivors para makapagsampa tayo ng kaso,” ani Fajardo sa panayam sa radyo.
“May mga pangalan pa sila na nakukuha base na rin sa mga witness pero this is subject to validation,” dagdag pa niya kasabay ng pagtitiyak na may linaw na ang kaso.
Gayunpaman, tumanggi ang PNP spokesperson na magbigay ng anumang detalye ng pagkakakilanlan ng mga sinasabing ‘persons of interest.’
“Maganda ‘yung mga lead na tinutukan ng ating Police Regional Office BARMM diyan. Inaasahan na magkakaroon ng linaw itong kaso na ito,” aniya pa.
Araw ng Biyernes nang tambangan ng mga armadong kalalakihan ang convoy ni Adiong sa bayan ng Maguing, Lanao del Sur.