November 3, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

PH ARMY TINAMBANGAN SA ALBAY, SUNDALO SUGATAN 

NI EDWIN MORENO

SADYA nga bang walang pinipiling pagkakataon ang mga rebeldeng komunista — at kahit relief operations sinasalakay na?

Batay sa ulat ng Philippine Army, tinambangan di umano ng hindi bababa sa 15 miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) ang mga sundalong nasa gitna ng isinasagawang relief operation sa Barangay Matanglad sa bayan ng Pio Duran,  lalawigan ng Albay.

Bagamat sumabay sa 15-minutong palitan ng putok ang mga tropa ng gobyerno, isang sundalo ang sugatan sa nasabing engkwentro. Tinamaan di umano sa kaliwang hita ang hindi pinangalanang sundalong nahagip ng anti-personnel mines.

Ayon kay Army Major Frank Roldan na tumatayong tagapagsalita ng PA 9th Infantry Division, narekober ng mga sundalo ang ilang improvised explosive device (IED), mga gamit pampasabog, bandolier, cellular phone, tatlong duyan at apat na backpack matapos umatras patungo sa direksyon ng hilagang kanluran ang mga rebeldeng komunista dakong alas 6:15 kahapon ng umaga.

Hindi naman masabi ni Roldan kung may nasawi o sugatang rebelde sa naganap na sagupaan.

Samantala, kinondena ni Col Julius Añonuevo na tumatayong provincial director Albay Provincial Province ang aniya’y paglabag ng NPA sa International Humanitarian Law kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang anumang armadong opensiba sa mga relief operations at iba pang sitwasyon ng humanitarian assistance.