
ASAHAN ang muling pagdagsa ng pasyente sa mga pagamutan bunsod ng pagsipa sa kaso ng leptospirosis sa mga lugar na apektado ng matinding pagbaha, babala ng Department of Health (DOH).
Pag-amin ni DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo, posibleng tumaas ulit ang mga kaso ng leptospirosis sa mga susunod na araw, kasabay ng giit na may mga “contingency measures” na inilatag ang kagawaran sa sandaling dumagsa ang mga pasyente sa mga pampublikong pagamutan.
“In the next two weeks, nakabantay ang DOH kasi ina-anticipate natin na tataas ang mga kaso ng leptospirosis sa dami ng mga nabaha,” ani Domingo sa isang panayam sa radyo.
Panawagan ni Domingo sa mga indibidwal na lumusong sa baha, agad pumunta sa mga health center o kumonsulta sa doktor sa mga evacuation centers para maresetahan ng Doxycycline, isang antibiotic laban sa leptospirosis.