DOBLE-dagok sa political career ang kinakaharap ng isang alkalde matapos makaladkad ang pangalan sa pagkakadakip ng kamag-anak at bodyguard na umano’y sangkot sa kalakalan ng droga sa lalawigan ng Pangasinan.
Sa kalatas ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), arestado ang isang Beverly De Vera Parayno na nagpakilalang pinsan ni Urdaneta City Mayor Julio Parayno III. Kalaboso rin sa operasyon kontra droga ng PDEA sa Dagupan City ang isang Louie Reyes Fermin at ang 63-anyos na si Romeo Nabalon Emboltorio na umano’y bodyguard ng naturang mayor.
Narekober ng mga operatiba sa mga suspek ang anim na gramo ng shabu na may street value na P40,800 at isang kalibre 45 na kargado ng bala.
Sa imbestigasyon ng PDEA regional office, nasakote ang mga suspek dakong alas 4:00 ng madaling araw sa buy-bust operation sa Barangay Bonuan Gueset, Dagupan City.
Enero 3 ng kasalukuyang taon nang patawan ng one-year suspension ng Palasyo si Mayor Parayno matapos tanggalin sa pwesto bilang miyembro ng Sangguniang Lungsod ang isang barangay chairman na kumakatawan sa hanay ng mga kapitan.
