
HINDI bababa sa P1.5-bilyong halaga ng droga ang nalambat ng mga mangingisdang Pinoy sa karagatang sakop ng Masinloc sa lalawigan ng Bataan, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ayon sa PDEA, Lunes ng gabi ng Mayo 29 nang tumambad sa lambat ng mga mangingisda ang 10 selyadong sako na nakaunan ay napag-alamang pawang droga ang laman.
Sa takot na madawit sa krimen, agad naman pinagbigay-alam ng mga hindi pinangalanang mangingisda mula pa sa lalawigan ng Bataan ang insidente sa awtoridad.
Sa isinagawang imbentaryo, umabot sa mahigit 222 kilo ang drogang positibo bilang shabu.
Ayon sa PDEA, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon para matukoy ang pinagmulan ng droga, gayundin ang mga tao sa likod ng sindikatong nagpupuslit ng ipinagbabawal na gamot sa bansa.
Samantala, pinuri ni PDEA Director-General Isagani Nerez ang 10 mangingisdang Pinoy na nakatagpo at nagsuko ng sako-sakong shabu na hindi sinasadyang nalambat habang namamalakaya sa karagatan.
“They chose to do what is right. Their vigilant efforts and honesty of surrendering their extraordinary find deserved recognition,” pahayag ni Nerez.
“The discovery of the floating shabu highlights the importance of community vigilance and diligence in reporting illegal drug activities. The action of our hero fisherfolks is an embodiment of what every member of our society should do, that is to contribute to the general welfare and security of our communities,” dugtong ni Nerez. (LILY REYES)