SA pakikipagtulungan sa Tanggapan ni House Speaker Martin Romualdez, nagsagawa ang Tingog Party-list ng isang multi-agency consultative meeting kaugnay ng isasagawang rehabilitasyon ng San Juanico Bridge, na posibleng abutin ng dalawang taon.
Dumalo sa naturang pagpupulong ang mga opisyal at kinatawan ng nasa 30 ahensya kabilang ang Department of Public Works and Highway (DPWH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Office of the Civil Defense (OCD), Department of Economy, Economy, Planning, and Development (DEPDev), Maritime Industry Authority (MARINA), Philippine Ports Authority (PPA), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at iba pa.
Sa magkahiwalay na pahayag, inamin ng Office of the Speaker at Tingog PL, ang abala ang partial closure ng San Juanico Bridge, na isang mahalagang imprastraktura na nagdurugtong sa mga isla ng Leyte at Samar.
Para kay Romualdez, malaking bentahe ang naturang tulay sa komersyo sa Eastern Visayas region.
Kaya naman hangarin ng consultative meeting na magpatupad ng mahahalagang interbensyon at pakikipag-ugnayan sa mga kaukulang ahensya para tiyakin ang kaligtasan ng publiko, mapagaan ang pasanin ng mga apektadong mananakay at negosyo, at maisakatuparan ang ganap na pagpapanumbalik ng koneksyon sa transportasyon.
Kabilang sa mga nabuong hakbang ay ang pagtukoy at paghahanda ng DPWH at MARINA ng mga alternatibong ruta at pantalan, gaya sa pagkakaroon ng Ro-Ro operations sa Amandayehan Port sa Basey, Samar.
“The first Ro-Ro vessel to operate in the San Juanico Strait—the LCT Aldain Dowey—has been deployed by Sta. Clara Shipping Corporation. Its deployment is expected to ease the logistical bottleneck caused by the bridge restrictions and facilitate the continued movement of goods and passengers, especially heavily loaded vehicles affected by the 3-ton weight limit,” pagbibigay-alam pa ng tanggapan ni Romualdez at Tingog PL.
“Permits for additional Sta. Clara Shipping vessels have been approved. Coordination with PPA and MARINA is ongoing to finalize docking arrangements and activate alternative maritime routes,” dugtong nila.
Ang DPWH at Tingog PL ay magkakaloob din ng 24-oras na libreng sakay para sa mga apektadong pasahero at mananakay.
Kasalukuyang itinatayo ang pansamantalang terminal para sa pasahero at mga sentrong tulong sa magkabilang dulo ng San Juanico Bridge, na nag-aalok ng silungan, batayang serbisyo, at agarang suporta, sa tulong ng DSWD, OCD, AFP, PNP, DICT, at mga lokal na CSWDO.
Mungkahi naman ng Tingog PL ang pagdedeklara ng state of emergency upang mapabilis ang kilos ng pamahalaan, pagpapadali ng logistika, at mobilisasyon ng pondo.
Gayundin ang paglikha ng Cabinet-level Emergency Response Task Force at isang Regional Task Force upang pamunuan ang sabayang hakbang para sa pagbangon at pag-iwas.
Nais din nito na magkaroon ng ‘One-Stop-Shop Permit Center’ upang pabilisin ang mga clearance kaugnay ng transportasyon at lohistika, palawakin ang Ro-Ro operations, mahigpit na regulasyon ng pamasahe at pamamahala sa mga pantalan, at pagpapabilis sa pagbibigay ng special permits sa mga operator ng sasakyang pandagat.
Isinusulong ng Office of the Speaker at Tingog PL ang paglalaan ng tulong pinansyal sa mga apektadong MSMEs, regulasyon ng presyo ng mga pangunahing bilihin, at paglulunsad ng region-wide economic impact assessment ng DEPDev at PSA. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
