PINAG-AARALAN ng mga lokal na opisyal sa Batangas ang paglalagay ng lalawigan sa ilalim ng state of emergency dahil sa patuloy na nararanasan na makapal na volcanic smog o vog mula sa Taal Volcano.
Ayon kay Vice Governor Mark Leviste ang pagdedeklara ng state of emergency ay makatutulong sa lokal na pamahalaan na maglabas ng emergency funds para itulong sa kababayan.
“Ito ay pag-aaralan pa lamang (state of emergency) kung ano ang magiging recommendation ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno from national government agencies to provincial offices, yun ang aming pangangalagaan,” sabi ni Leviste sa over TeleRadyo Serbisyo.
“Pati yung cancellation of classes at pagbabalik ng online learning at modular learning [iniisip] pansamantala habang tayo ay naka-state of emergency,” dagdag pa ng bise gobernador.
Ilang residente na ang nagreport ng kakapusan ng paghinga at ang iba ay nagkakasakit na dahil sa pagbuga ng abo mula sa bulkan.
“Ilang estudyante at kabataan na nahihirapan huminga. Tinugunan ng [Disaster Risk Reduction and Management Office] at nagbigay na ng immediate intervention. Nebulizers, pulse oxymeter,” ayon pa kay Leviste.
Hinihintay na lamang din ang report mula sa science agencies and disaster monitoring and response units bago magdesisyon ang pamunuan ng Batangas.
Ang mga lokal na pamahalaan ay may kakayahan ding magsuspinde ng klase o magpatupad ng evacuation kung kailangan.
“Ayokong mag-anticipate ng situation dahil ito ay magdala ng unnecessary panic sa ating mga kababayan. Hintayin na lang natin ‘yung pag-ulat at latest data,” ayon pa kay Leviste.
Sinabi ng Calabarzon’s Office of Civil Defense (OCD) na minomonitor na ang posible pang pagtaas ng sulfur content mula sa ibinubuga ng bulkang Taal.
Nabatid na mula noong unang linggo ng Setyembre ay patuloy na sa pagbuga ng vog ang bulkan.