MATAPOS ang mahabang panahon ng paglilingkod, tuluyan nang namaalam si Nueva Vizcaya Gov. Carlos Padilla sa edad na 78-anyos.
“Gusto lang namin i-announce na officially, siya po ay pumanaw ngayong araw. Maraming salamat po sa inyong pagpapakita ng simpatiya at suporta para sa aming pamilya, para kay governor,” pahayag ni Carlos Padilla II, panganay na anak ng pumanaw na gobernador.
Sa anunsyong ibinahagi ni Provincial Health Officer Dr. Anthony Cortez, dakong alas 9:20 ng umaga nang tuluyang malagutan ng hininga si Padilla matapos ang ateke sa puso.
Bilang pahiwatig ng pagluluksa, ibinaba na rin sa half-mast ang bandila sa kapitolyo.
Taong 1975 nang unang pumalaot sa pulitika si Padilla na nagsilbing alkalde ng bayan ng Dupax. Mula sa pagiging punongbayan, nahalal naman si Padilla bilang kinatawan ng Region 2 sa Interim Batasang Pambansa sa ilalim ng administrasyon ng yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Taong 1987 nang bumalik sa Batasan si Padilla bilang kongresista ng lalawigan sa Mababang Kapulungan.
Kabilang sa mga inakdang batas ng yumaong gobernador ang Free High School Act of 1988, Philippine Librarianship Act, Commission on the Filipino Language Act, batas na lumikha sa National Commission for Culture and the Arts, at iba pa.
Dalawang buwan pa lang ang nakaraan nang italagang chairman ng Regional Peace and Order Council ng Pangulo si Padilla.