KALAKIP ng tag-init ang ang sore eyes, ayon sa isang ophthalmologist kasabay ng panawagan sa publiko na iwasan muna ang paglabas lalo pa’t mas mataas ang posibilidad na mairita ang mata dulot ng alikabok sa lansangan.
Sa isang ulat na unang lumabas sa ABS-CBN news portal, sinabi ni Dr. Sharlene Noguera ng Asian Eye Institute na mas mataas ang posibilidad na tamaan ng sore eyes ang tao sa panahon ng tag-init.
Kabilang aniya sa mga sintomas ng sore eyes ang pamumula, pangangati at pagluluha bunsod ng allergy, bacteria, at virus.
“Allergy nakukuha kapag exposed ka sa alikabok, sa pollen… Maraming klase ng bacteria saka virus so yung very common for virus is yung tinatawag na adenovirus so yan yung mga cause din nga mga common cold. Kaya minsan kapag may viral conjunctivitis, yung pasyente meron din siyang sipon, meron din siyang lagnat,” ani Noguera.
Sa panahon ng tag-init, mas mataas din aniya ang antas ng alikabok na kabilang sa dahilan ng sore eyes.
“Syempre gustong gusto rin ng bacteria yung init ng panahon; maggo-grow siya lalo. Pero sa virus, wala naman siyang temperature relationship,” dagdag pa ng doktor.
Babala pa ni Noguera, nakakagawa ang iba’t ibang anyo ng virus at bacteria na pwedeng makihha sa iba’t ibangg paraan.
“So dapat talaga pag nasa labas tayo hindi natin kakamutin yung mata natin o hahawakan natin. Pag bumahing siya sayo tapos napunta yung secretion sa mata mo, pwede rin yun makahawa,” aniya pa.
Karaniwan aniya ang pagkahawa sa mga mataong pasyalan tulad ng beach at swimming pool na dinadayo tuwing summer.
“Kung may viral conjunctivitis ang isang pasyente kapag nag-swimming siya pwede niyang mahawa yung andun nagsuswimming.”
Bagamat may mga kasong kailangan ipasuri sa mga eksperto, karaniwan aniyang naghihilom ang sore eyes sa loob ng isa hanggang dalawang linggo.
Para sa mga tinamaan ng sore eyes, pwede din ayon sa doktor ang paggamit ng cold compress at eye drops para maibsan ang hapdi o pangangati ng mata.
“Pwede kang kumuha ng cold compress para ipapatong mo over your closed eyelids, mga 10 minutes, three times a day or more. Mare-relieve niya yung pangangati, pamamaga. Usually yung allergy may mga gamot din siya na antihistamine eye drops. Yung bacteria saka virus usually naman pwede siyang mag-resolve on its own.”
Samantala, iginiit ni Noguerra na hindi nakakatulong sa paghilom ng sore eyes ang gatas ng ina.
“Hindi totoo yung magpapatak ka ng breast milk. Lalo na sometimes yung mga ihi, so wag niyong papatakan ng anything na ganyan para hindi lalong lumala,” babala pa nikya.
Hinikayat din niya ang publiko na ugaliing maghugas ng kamay.
