SA kabila ng panuntunang nagbibigay-kalayaan sa mga presong edad 70-anyos pataas, nananatili sa likod ng malamig na rehas ng bilangguan ang 85-anyos na Martial Law survivor, ayon sa grupong Tanggol Magsasaka.
Panawagan ng grupo sa Palasyo, agad na palayain si Tatay Gerardo dela Peña na bukod sa matanda na ay napag-alamang may hypertension, malabong paningin at mahinang pandinig na rin.
Sa datos ng Bureau of Corrections (BuCor), lumalabas na si Tatay Gerardo na ang pinakamatandang political prisoner sa bansa. Abril 23 nang magdiwang ng ika-85 kaarawan si dela Peña.
Sa ilalim ng resolusyon na inilabas ng Board of Pardons and Parole (BPP), pasok ang 85-anyos na political detainee sa rekomendado palayain sa bisa ng executive clemency na karaniwang iiginagawad sa mga bilanggong edad 70 pataas na may karamdaman at nakapiit ng hindi bababa sa 10 taon.
“It is evident that Tatay Gerardo Dela Peña perfectly fits the criteria for executive clemency outlined in this resolution,” ayon sa Tanggol Magsasaka.
Higit na kilala si dela Peña noong panahon ng diktadura sa pag-oorganisa ng hanay magsasaka sa lalawigan ng Camarines Norte sa Bicalandia.
Taong 1982 nang unang dakpin, pahirapan at ikulong ng orotidad si Tatay Gerardo na sinampahan ng kaso dahil di umano sa pagiging subersibo. Habang nakakulong, tumakbo at nanalo bilang barangay captain sa kanyang komunidad si dela Peña, na naging dahilan para siya’y palayain.
Nang bumaba sa pwesto ang yumaong diktador na si Ferdinand Marcos Sr., napabilang si dela Peña sa mga founding members ng grupong SELDA, isang organisasyong binubuo ng mga dating political detainees.
Taong 20133, muling dinakip si dela Peña kaugnay ng di umano’y gawa-gawang kasong murder. Hinatulan ng husgado ang lider-magsasaka ng 40-taon pagkakakulong sa bilangguan.
Batay sa rekord ng Department of Justice, kabilang si dela Peña sa mga iinirekomendang palayain sa bisa ng executive clemency. Gayunpaman, tinabla ng Palasyo ang rekomendasyon ng DOJ para sa SELDA founding member.
