Ni EDWIN MORENO
SA huling araw ng itinakdang petsa para sa paghahain ng kandidatura para sa 2025 midterm election, pormal na isinumite ni former 1st district Congressman Boy “Blue” Abaya ang kanyang Certificate of Candidacy (COC) para sa posisyon ng mayor sa bayan ng Kawit, lalawigan ng Cavite.
Kasama rin ni Abaya sa paghahain ng kandidatura si vice mayoralty bet Gerry Ramos at walong aspirante para sa Sangguniang Bayan ng Kawit.
Sa labas ng tanggapan ng Commission on Elections sa naturang lokalidad, inilunsad din ni Abaya ang adbokasiyang “Kawit Muna Bago Sarili” at pangako ng isang magandang hinaharap sa sa ilalim ng kampanyang “Bagong Bukas Ay Atin”.
Kabilang sa prayoridad ng tambalang Abaya-Ramos ang kalusugan at pabahay para sa mga residente ng naturang bayan.
Sa isang pahayag, tiwala ang dating kongresista na maisakatuparan ang mga inilatag na programa sa tulong at suporta ng mga Kawiteño.
