Nakatakdang dumating sa bansa ngayong linggo ang isang Australian consortium na binubuo ng mga dalubhasa sa larangan aquaculture.
Pakay ng Oceanark Group Pty Ltd (OCNARK), sa pamumuno ng Filipino-Australian na si Edward Capaspas bilang chief executive office (CEO) isulong ang pagpapaunlad sa sektor ng aquaculture
Pasok din sa Australian conglomerate ang OCNARK founder na si Andrew Fiorenza na tumatayong chief operating officer (COO) at Christina Baciero Fernandez na Head of Talent Strategy and Business Development Europe.

“Gusto namin ituon ang aming unang pagbisita sa mga positibong aspeto ng aquaculture sa Pilipinas, at narito kami upang tumulong sa pagpapabuti nito sa pamamagitan ng pakikipagkita sa bawat stakeholder, pakikinig, at pagkatuto mula sa karanasan ng bawat isa,” wika ni Capaspas.
Para kay Capaspas, napapanahon nang itulak ang Pilipinas sa tinatawag na blue economy sa bisa ng pakikipagtulungan ng OCNARK sa mga lokal na kasamahan at negosyante upang tugunan ang paghina ng pandaigdigang huli ng isda.
Kapansin-pansin din aniya ang mabilis na paglago ng sektor ng aquaculture sa Pilipinas. Katunayan aniya, halos higitan na ng aquaculture ang produksyon ng isdang huli sa tradisyunal na pamamaraan tulad ng buwis-buhay na paglalayag sa karagatan ng mga mangingisdang Pinoy.
Kabilang sa mga pangunahing uri ng isda at yamang-dagat na nagpapaunlad sa sektor ay ang bangus, tilapia, sugpo (jumbo tiger shrimp), seaweed, at alimango, na pinalalaki sa iba’t ibang uri ng katubigan gamit ang iba’t-ibang pamamaraan at makabagong teknolohiya.
Bagamat may potensyal ang industriya — na kabilang ang Pilipinas sa sampung nangungunang bansa sa produksyon ng aquaculture — lumalabas sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang bahagyang pagbaba ng produksyon noong 2024 sa 2.22 milyong metriko tonelada mula 2.38 milyong metriko tonelada noong nakaraang taon.
Kabaligtaran ito ng pandaigdigang takbo. Ayon sa Food and Agriculture Organization (FAO) ng United Nations, nalampasan ng produksyon ng aquaculture ang nakagisnang pamamalakaya mula sa wild fisheries noong 2022 sa unang pagkakataon, na umabot sa 94.4 milyong tonelada.
Samantala, ang sektor ng Philippine capture fisheries ay kinakaharap ang mga hamon gaya ng labis na pangingisda, mapanirang pamamaraan ng pangingisda, at kakulangan sa maayos na pamamahala.
Dagdag pa niya, “Ang aming grupo ng mga espesyalista ay nagsusulong ng malawak na pakikipagtulungan sa mga negosyo, komunidad, rehiyonal na organisasyon, at pamahalaan upang makalikha ng mas episyenteng mga pamamaraan sa aquaculture.”
Isinusulong din ni Capapas ang pandaigdigang pagtutulungan sa mga stakeholder ng aquaculture na nakatuon sa pangangalaga ng kalikasan, sustenableng produksyon ng pagkaing-dagat, at responsableng pagkonsumo.
