SA dami ng reklamo laban sa Prime Water, target ng nag-iisang oposisyon sa senado maglunsad ng isang “congressional investigation in aid of legislation” na naglalayong himayin ang joint venture agreement na nilagdaan ng mga water districts at ng private concessionaire na pag-aari ng pamilya ni senatorial aspirant Camille Villar.
Partikular na sinisilip ni Senador Risa Hontiveros ang pagsusuri ng Commission on Audit (COA) hinggil sa isang kasunduan kung saan lumalabas na dehado ang publiko – gayundin ang gobyerno.
“No one is too big to be investigated. Kailangan nang silipin ang mga water concessionaires na ito dahil masyadong maraming kababayan natin ang uhaw na uhaw na sa maayos na serbisyo mula sa kanila lalo na ngayong tag-init,” wika ni Hontiveros,.
“Hindi katanggap-tanggap ang papatak-patak na serbisyo. Hindi pwedeng palampasin ang mga kontratang sinlabo ng tubig na lumalabas sa ilang mga kabahayan na biktima ng kapalpakan ng mga water concessionaires at ng oversight bodies,” patutsada ng senadora.
Una nang ipinag-utos ng Palasyo ang imbestigasyon sa Prima Water ng mga Villar bunsod ng kabi-kabilang reklamo sa umano’y mataas na singil para sa palpak na serbisyo.
”Sa ngayon, 11 water districts daw ang gustong tapusin na agad ang joint venture agreements nila. The problem might be far worse and more encompassing. Pwede nang umaksyon ang Malacañang kahit inaalam pa natin kung paano pigilan ang lalong pag-lala at pag-ulit nitong sitwasyon,” ani Hontiveros.
Nauna nang nanawagan si Hontiveros sa Manila Water na bayaran ang mga konsyumer dahil sa naranasang water shortage noong 2019.
Panawagan ni Hontiveros sa Senate Committee on Public Services, imbestigahan ang joint venture agreements sa pagitan ng water districts at mga pribadong kompanya tulad ng Prime Water Infrastructure Corp., Manila Water Philippine Ventures at Metro Pacific Water Investments Corp.
“These identified problems have reportedly led to detrimental outcomes for water districts, including diminished financial standing — as seen in the San Jose Del Monte Water District post-JVA — and for the consuming public, who have experienced poor service quality, inadequate water supply, and significant increases in water tariffs — as reported in areas served by PrimeWater in various provinces like Bulacan and cities like Bacolod — sparking public protests and calls for intervention,” saad sa Senate Resolution 1352 na akda ni Hontiveros.
Ipasisilip din ng senadora ang kawalan ng transparency at malinaw na accountability mechanisms sa kasunduan — dahilan kung bakit mahirap papanagutin ang private concessionaires, water district boards, LWUA, at National Water Resources Board, at Commission on Audit, at ang Public-Private Partnership Center.
“Reklamo ng mga kababayan natin, sinisingil pa rin daw sila kahit halos walang tubig ang dumadaloy sa kanilang gripo. Panahon nang singilin naman natin ang mga water concessionaires at iba pang ahensyang dapat nagbibigay ng walang-patid na serbisyo.” (ESTONG REYES)
