PASOK sa kanang tainga at labas sa kabila. Ganito ang tugon ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng patutsada ni First Lady Liza Araneta-Marcos.
Katwiran ni Duterte, hindi naman umano bahagi ng kanyang mandato bilang bise presidente na sagutin ang bawat isyung ipinupukol sa kanya – kesehodang asawa pa ng pinakamataas na opisyal ng bansa.
Gayunpaman, nagpahiwatig si VP Sara sa planong kakausapin ang Pangulo hinggil sa tinawag niyang sama ng loob ng Unang Ginang.
“Mga kababayan, bilang tao karapatan ni Unang Ginang Liza Marcos na makaramdam ng sama ng loob at galit. Subalit ang kanyang personal na damdamin ay walang kinalaman sa aking mandato bilang isang opisyal ng pamahalaan,” wika ng bise-presidente sa isang video message.
“Upang makausad tayo, iiwan na natin sa isang pribadong pag-uusap sa pagitan lamang namin ni Pangulong “Bongbong” Marcos Jr. ang mga susunod na hakbang,” dagdag pa ni VP Sara, kasabay ng giit na mas angkop na harapin muna ang mga malaking problema kesa sa intriga.
“Dapat nakatutok tayo sa pagtugon sa mga suliranin hinaharap ng ating bansa. Patuloy na tumataas ang presyo ng pagkain at iba pang mga bilihin at ito ay mas nagpapahirap pa sa dinaranas na gutom o kawalan ng sapat na pagkain ng mahihirap nating kababayan.”
“Nagbabadya rin ang kakulangan ng supply ng tubig at kuryente, habang talamak na naman ang ipinagbabawal na droga.”
“Samantala, hindi pa rin natatapos ang banta ng kriminalidad, terorismo at insurhensya sa ating bansa,” wika ni Sara.
Una nang inamin ng Unang Ginang na bad shot na para sa kanya si VP Sara.
