TATLUMPU’T dalawang taon ang hatol ng Sandiganbayan sa isang dating Quezon City Councilor kaugnay ng kasong katiwalian.
Sa hatol ng Sandiganbayan Sixth Division, walong taong pagkakakulong ang sentensya sa bawat isa sa apat na kasong graft na isinampa kay former Quezon City Councilor Date de Guzman kaugnay ng kabiguan ibigay sa mga barangay sa ikatlong distrito ng lungsod ang P6.4 milyong halaga ng supplies na binili gamit ang pondo ng gobyerno.
Ayon sa korte, nilabag ni de Guzman ang Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) bunsod ng kapabayaan.
Bukod sa pagkakakulong inatasan din ng Sandigan ang dating konsehal na ibalik ang naturang halaga sa Quezon City government – bukod pa sa 6% taunang interes mula sa petsa ng transaksyon.
“Accused, de Guzman’s failure to cause the distribution of the said items to the different barangays of District 3, Quezon City was attended by gross inexcusable negligence,” saad sa desisyon ng Sandiganbayan..
Samantala, abswelto naman ng korte si former Quezon City administrator Aldrin Cuña, na dawit sa kaso ng dating konsehal. Inatasan din ng Sandiganbayan ang Quezon City government na ibalik sa trabaho ang dating tagapangasiwa ng lungsod.
Idinawit sa kaso ni de Guzman si Cuña.
Batay sa testimonya ng mga saksi, sii de Guzman mismo ang nagsumite ng purchase request taong 2008 para sa 141 custom-made design tents na nagkakahalaga ng P3.49 milyon; 1,177 kapoteng pambata at bota na may halagang P994,565; food supplies sa halagang P352,986; at sports supplies sa halagang P2.79 milyon.
“Accused De Guzman failed to cause the distribution of the subject items to the intended beneficiaries. The items were not distributed and could no longer be located and accounted for,” wika ng korte.
