Ni EDWIN MORENO
MALAMIG na rehas ang ending ng isang babaeng konsehal matapos makunan ng santambak na baril, bala at pampasabog sa isinagawang raid ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa bayan ng Naic sa lalawigan ng Cavite.
Sa bisa ng search warrant mula sa Calamba City Regional Trial Court (RTC), sinalakay ng mga operatiba ang tahanan ni Municipal Councilor Ma. Theresa Puno sa Sitio Lontok, Barangay Timalan Balsahan, dakong alas 3:00 ng hapon.
Bukod kay Konsehal Puno, kalaboso rin ang tatlong iba pa, kabilang ang 59-anyos na asawa.
Kabilang sa mga narekober na armas ng CIDG ang apat na granada, apat na baril, daan-daang piraso ng bala para sa iba’t ibang kalibre, at mga kargadong magasin.
Nahaharap ang konsehal at tatlong iba pang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act).
Samantala, bigo ang Cagayan Regional Police na masakote ang isang retiradong sundalo sa isang operasyon sa Solana, Cagayan.
Gayunpaman, arestado ang pito kataong pinaniniwalaang bahagi ng gun-running syndicate.
Kumpiskado sa naturang operasyon sa Sitio Camagong, Barangay Sampaguita ang dalawang grenade rifle, isang cal. 38 revolver, shotgun, airgun, dalawang cal. 45 pistol, isang R4 rifle na pag-aari ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba’t ibang klase ng mga bala.
Sa ulat na pinadala sa punong himpilan ng Philippine National Police (PNP), nagkaroon ng pagkakataon tumakas ang target matapos magkaroon ng palitan ng putok ang mga operatiba at mga kasamahan ng di tinukoy na retiradong sundalo.
Isa ang sugatan sa hanay ng mga arestadong suspek.
