MATAPOS ang mahabang panahon ng paglilitis, tuluyan nang hinatulan ng Sandiganbayan si Moro National Liberation Front (MNLF) founder Nur Misuari para sa mga kasong katiwalian kaugnay ng ghost purchases ng mga aklat noong nanunungkulan pa bilang gobernador ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Sa desisyon ng Sandiganbayan Third Division, pinatawan ng 16 na taon pagkakulong si Misuari para sa dalawang kasong graft – bukod pa sa perpetual disqualification sa anumang pwesto sa gobyerno.
Pasok din sa sentensya ng husgado sina Leovigilda Cinches, Pangalian Maniri, Sittie Aisa Usman, Aladdin Usi, Nader Macagaan at Cristeta Ramirez
Makailang ulit nang itinanggi ni Misuari ang alegasyon. Aniya, naganap ang pagbili ng mga aklat sa ilalim ng termino ni former ARMM Gov. Parouk Hussin na pumalit sa kanya bilang tagapangasiwa ng ARMM region noong 2003.
Sa isang pahayag, sinabi naman ni Atty. Ma. Victoria Lim-Florido na tumayong abogado ng 85-anyos na MNLF founder, na maghahain ng apela sa desisyon ng Sandiganbayan.
