Ni LILY REYES
SA tulong ng mga saksi at video footage sa CCTV, timbog sa mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang isang lalaking di umano’y bumaril at nakapatay sa nakaalitang driver sa EDSA-Ayala tunnel sa Makati City kamakailan.
Sa isang pulong-balitaan, personal na ipinrisinta ni Department of Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ang suspek ng si Gerrard Raymond Yu, isang negosyante at nakatira sa Riverside Village sa Pasig City.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Major Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., away-trapiko ang puno’t dulo ng pamamaslang, batay na rin aniya sa testimonya ng mga saksi at kuha sa CCTV.
Sa ginawa nilang backtracking ng may-ari ng itim na Mercedes Benz, natunton ang suspek sa lungsod ng Pasig kung saan inabutan pang nakagarahe ang sasakyan.
Bagamat pinalitan na ang plaka ng sasakyan, hindi na nagawa pang itanggi ng suspek na si Yu ang kasalanan matapos makuha sa loob mismo ng itim na Mercedes Benz ang orihinal na plaka.
Kumpiskado rin ang ginamit na baril na agad namang isinailalim sa ballistic test. Ang resulta – positibo. Positive din sa paraffin test ang suspek.
