Ni LILY REYES
SIBAK sa kani-kanilang pwesto ang mahigit 500 pulis na nakatalaga sa National Capital Region Police Office (NCRPO) sa nakalipas na 12 buwan, ayon kay NCRPO chief Police Major General Jose Nartatez Jr.
Sa isang pahayag, binigyang halaga ni Nartatez Jr. ang kahalagahan ng walisin ang anay sa hanay ng mga pulis bilang bahagi ng internal cleansing na ipinatutupad ng Philippine National Police (PNP).
Bukod sa 500 sinibak na kabaro, nasa 800 pang mga pulis ang kinastigo sa bisa ng suspensyon at demotion sa ranggo dahil sa mga kasong kinasangkutan.
Pasparin na rin aniya ang isinasagawang imbestigasyon sa mahigit 4,000 pang pulis na nahaharap sa kasong administratibo. Para kay Nartatez, dapat lumabas ang resulta ng imbestigasyon sa loob ng dalawa o tatlong buwan, alinsunod sa umiiral na panuntunan.
Kamakailan lang, isa pang pulis na may ranggong corporal ang nadawit sa bulilyaso matapos maaresto sa pagbebenta ng droga sa Parañaque City noong Linggo nang madaling-araw.
Swak din sa talaan ng tatalupan ang Lieutenant Colonel na di umano’y dawit sa “rentangay” modus at ang grupo ng PNP Major at apat pang pulis na inakusahan ng pagdukot sa apat na dayuhan sa Pasay City noong Hunyo 2.
