SWAK to selda ang isang bading na talent scout matapos dakmain ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) bunsod ng garapalang pagbebenta ng mga sex video at mga mahalay na larawan ng mga kabataan edad 17-anyos pababa, gamit ang social media.
Kinilala ang suspek sa pangalang Benjie Ortillano, alyas na Bench Ortillano Lee na dinakip bunsod ng patong-patong na reklamo ng mga magulang ng kabataang kinukunan ng video at larawan habang gumagawa ng kahalayan.
Sa isinagawang imbestigasyon, ginagamit di umano ni Ortillano sa paglalako ng mga sex video ang iba’t ibang accounts sa social media platforms kabilang ang Facebook, Twitter at Telegram, kapalit ang perang kinokolekta gamit ang GCash wallet.
Kakasuhan ng paglabag sa Republic Act 11930 o Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials ang suspek na si Ortillano.
Kabilang rin sa mga bestseller ni Ortillano ang sariling video habang nakikipagtalik sa mga menor de edad.
Babala ni Justice Secretary Crispin Remulla, hindi titigil ang ahensya sa pagtugis sa mga tinawag niyang online bugaw.
