ANG mga dating binabantayan preso sa kulungan, kakosa na ngayon ng 36-anyos na kawani ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) matapos dakpin bunsod panunutok di umano sa mga residente ng isang pribadong compound sa lungsod ng Parañaque.
Sa ulat ng lokal pulisya, dakong alas 2:40 ng madaling araw nang pasukin ng hindi pinangalanang BJMP personnel – bitbit ang isang kalibre 45 ang pribadong compound sa Barangay Don Bosco.
Pagpasok sa pribadong compound, agad di umanong tumungo sa ginaganap okasyon kasabay ng pagpapatigil sa kasiyahan habang nakatutok sa limang kalalakihan ang hawak na baril.
Gayunpaman, kinapos ng pagiging listo ang BJMP personnel na inagawan ng baril ng ilan sa sa mga panauhin sa naturang kasiyahan. Agad na tumawag ng saklolo sa lokal na pulisya ang mga tinutukan.
Pagdating ng mga pulis, dinakip ang sigang BJMP personnel na ipiniit sa Parañaque Police Station habang ikinakasa ang kasong Grave Threat, Trespass to Dwelling at paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Narekober din ang baril na ginamit na panunutok.
