NAKATAKDA nang magsimula ang tunay na kalbaryo ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo matapos ipag-utos ng korte na i-biyahe patungo sa Pasig City Jail Female Dormitory para makasama ang hindi bababa sa 44 preso sa loob ng seldang para lang sa siyam na katao.
Sa apat na pahinang direktiba, inatasan ng Pasig Regional Trial Court Branch 167 na ilipat si Guo sa female dormitory ng Pasig City Jail mula sa Philippine National Police (PNP) detention facility sa Camp Crame, Quezon City matapos makitaan ng “probable cause” para ikulong si Guo at iba pang akusado sa kasong qualified human trafficking.
Pasok din sa naturang asunto sina Huang Zhiyang, Rachelle Joan Malonzo Carreon, Zhang Ruijin, Baoying Lin, Yu Zheng Can, Dennis Lacson Cunanan, Jamielyn Santos Cruz, Roderick Paul Bernardo Pujante, Juan Miguel Alpas, Merlie Joy Manalo Castro, Rita Sapnu Yturralde, Rowena Gonzales Evangelista, Thelma Barrogo Laranan, Maybelline Requiro Millo alyas “Shana Yiyi”, at Walter Wong Long.
Walang piyansa sa ilalim ng umiiral na batas ang kasong kinakaharap ni Guo at iba pa.
Sa isang pulong balitaan sa Camp Crame, kinumpirma ng PNP spokesperson Col. Jean Fajardo ang kautusan ng korte na ilipat si Guo sa Pasig City Jail.
Katunayan aniya, natanggap na ng pambansang pulisya ang sipi ng direktiba ni Pasig RTC Branch 167 Presiding Judge Annielyn Cabelis.
Samantala, hindi natuloy ang nakatakdang arraignment sa kasong graft laban kay Guo sa Valenzuela Regional Trial Court matapos maghain motion to quash information ang kampo ng sinibak na alkalde.
