PARA tiyakin ang maayos na pagbubukas ng klase, binisita ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III ang mga pampublikong paaralan sa Quezon City.
Ayon kay Torre, layon ng pagbisita alamin kung may sapat na seguridad sa bisinidad ng mga paaralan.
Sa unang araw ng paglilibot para sa ligtas na Balik-Eskwela, sinadya ng hepe ng pambansang pulisya ang Batasan Hills National High School at President Corazon Aquino Elementary School sa Quezon City, kung saan personal na kinamusta ni Torre ang mga principal, guro, administrador at mga estudyante.
Bago pa man nag-ikot, una nang inansyo ng PNP ang pagpapalakat ng hindi bababa sa 37,000 pulis para tiyakin ang kaayusan sa mga lansangan sa pagbubukas ng klase sa 45,974 paaralan — bukod pa sa 5,079 Police Assistance Desk sa loob ng mga eskwelahan.
Pagtitiyak ni Torre, ciento-por-cientong handa ang kapulisan tugunan anuman ang kaganapan kaugnay ng pagbubukas ng klase sa mga paaralan.
Partikular na direktiba ni Torre sa mga police commander — sawatahin ang lahat ng anyo ng kriminalidad sa lansangan at protektahan ang hanay ng mga kabataang magbabalik-klase sa ga paaralan.
Samantala, hinimok ng heneral ang mga magulang at publiko na mag-report sa 911 hotline sakaling may mga sumbong o anumang emergency, kasabay ng garantiyang tugon sa loob lang ng limang minuto. (EDWIN MORENO)
