HINDI nakalusot sa mapanuring kawani ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang Chinese national na umano’y nagpanggap na Pinoy para makapasok sa Pilipinas.
Kinilala ang inarestong 60-anyos na dayuhan sa pangalang Chen Zhong Shen mula sa Hong Kong.
Dinakip ang Chinese national na sakay ng Cathay Pacific sa NAIA Terminal 3 noong Agosto 21.
Sa imbestigasyon, lumalabas na pawang peke umano ang mga dokumento — kabilang ang pasaporte at government-issued na ID na ipinrisinta ni Chen bilang patunay na isa siyang Pilipino.
Nang suriin sa Alien Registration Division ng Bureau of Immigration, nabistong hindi Pinoy kundi isang Chinese national base na rin sa fingerprint record ng kawanihan
Nakatakda naman silipin ng pamahalaan ang mga pag-aaring negosyo ni Chen sa bansa.
Mahigpit na ipinagbabawal sa mga dayuhan, sa ilalim ng umiiral na batas sa bansa, ang magkaroon ng Philippine citizenship documents nang walang naturalization.
Kasalukuyan nakapiit ang dayuhan sa Immigration detention facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City. (ITO SON)
