PERSONAL na nagpaabot ng pakikiramay si Leyte Rep. Martin Romualdez sa pamilya ng mga biktima ng pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City.
Kabilang sa mga tinungo ni Romualdez ang burol ng tatlong mag-aaral na nasawi sa naturang insidente.
Binisita rin ni Romualdez ang mga sugatang estudyante sa pagamutan para alamin ang kalagayan ng mga biktima. Nakipag-ugnayan din ang mambabatas sa pamunuan ng ospital sa hangarin tiyakin natutugunan ang pangangailangan ng mga bata.
Nag-alay ng panalangin ang Leyte solon sa tatlong pumanaw at naghayag ng pakikidalamhati sa bawat naulila ng mga ito.
“Nandito tayo para kumustahin at magbigay ng suporta sa kanilang panawagan para sa hustisya,” ani Romualdez.
Ayon sa Visayan lawmaker, ang malagim na trahedya ay hindi lamang nagdulot ng matinding sakit sa mga apektadong pamilya, bagkus ay maging sa buong lalawigan at iba pa.
Binigyan-diin ni Romualdez sa mga naulilang pamilya na hindi sila nag-iisa sa paghihinagpis at nangakong tututukan ang pagkuha ng hustisya.
Bukod sa pagbibigay ng kinakailangang tulong sa lahat ng biktima (pumanaw at sugatan), nangako ang dating lider ng Kamara na isusulong niya ang pagpapatupad ng mga hakbang para hindi na mauulit ang malagim na insidente saan man lugar sa bansa.
Samantala, bukod sa panalangin para sa ikabubuti ng kalagayan ng mga nasaktan, nanawagan si Romualdez sa publiko na magkaisa sa pagsuporta sa mga biktima sa panahon ng pagdadalamhati at pagdarahop.
