Ni LILY REYES
HABANG mabilis na lumalaki ang populasyon sa Metro Manila, kinakapos naman ang pwersa ng pulisya, ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Major Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Ang solusyon ni Nartatez, i-recall lahat ng police escorts ng mga Chinese nationals at iba pang dayuhang VIP.
Paliwanag ng NCRPO chief, hindi na sapat ang bilang ng mga pulis na dapat magbantay kontra kriminalidad at magbigay seguridad, kaayusan at kapayapaan sa 17 lokalidad ng Metro Manila.
Partikular na tinukoy ni Nartatez ang aniyang deployment ng mga pulis sa mga mayayamang dayuhan.
Paglilinaw ni Nartatez, higit na angkop unahin ang kapakanan ng mas nakararami, kasabay ng paalala sa mga kabaro sa sinumpaang tungkulin – tiyakin ang kaligtasan at kaayusan sa nasasakupan.
Sa datos ng NCRPO, nasa 1:500 ang ratio ng pulis kontra mamamayan – lubhang mababa kumpara sa aktwal na pangangailangan ng pamayanan.
Hindi rin aniya limitado sa mga Chinese nationals ang inilabas na direktiba, kasabay ng giit na bigyan ng prayoridad ang kapakanan at seguridad ng publiko at hindi ng ilang indibidwal lamang.
Mungkahi ni Nartatez sa mga dayuhan, kumuha na lang ng personal bodyguards sa mga security agency.
