SINABI ni Health Secretary Ted Herbosa na bumababa na ang kaso ng respiratory illnesses sa bansa ngunhit pinaalalahanan pa rin ang mga bulnerableng indibwal na mag-ingat habang nagsasaya ngayong holiday season.
“Luckily, kinakausap ko ang aming epidemiology unit, ang sabi humuhupa na raw, parang nag-plateau na ang number of cases. Siguro nagkanya-kanyang bakasyon na dahil wala nang pasok sa trabaho at eskwela, hindi na masyadong kumalat ang respiratory illness,” sabi ni Herbosa sa Radyo dzBB.
Pinaalalahanan din ang mga matatanda at mga may sakit na mag-ingat sa pagdalo sa mga kasiyahan at salu-salo. “Takpan mo ang mukha mo kapag umubo o suminga ka. Kapag may nararamdaman ka, ‘wag ka nang mag-party. Sa bahay ka na lang kasi mahahawa ‘yung ibang tao,” ayon pa kay Herbosa.
Nauna na ring hinimok ni Herbosa ang publiko na magpa-flu shot at magsuot ng face mask.
Nitong Biyernes ay nakapagtala rin ang DOH ng 521 bagong kaso ng Covid-19 na umaabot na ngayon ang bilang sa 4,135,345 kaso.