SUPER-SIZED. Ganito ang paglalarawan ni House Deputy Speaker at Batangas 6th Dist. Rep. Ralph Recto sa pondong tatanggapin ng Department of Education (DepEd) para sa pagpapatupad ng “School-Based Feeding Program” sa susunod na taon.
Ayon kay Recto, tumataginting na P11.71 bilyon (mula sa P5.68 bilyong nakalaan ngayong taon) ang target na ilaan ng pamahalaan batay sa isinumiteng 2004 National Expenditure Program (NEP) ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kamara kamakailan.
Pasok rin aniya sa panukalang P5.76-trillion 2024 national budget ang P4.1 bilyon para naman sa “Supplementary Feeding Program” na pinangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa kabuuan, lumalabas aniyang P15.8 bilyon ang target ilaan ng administrasyong Marcos para sa implementasyon ng child feeding program ng gobyerno.
“The increase is unprecedented,” bulalas ng House Deputy Speaker.
“Never has the budget for child feeding been supersized to this big. On this, the government has put its money where its mouth is,” dugtong pa niya.
Sa pagtatala ng kongresista gamit ang 2023 costing, ang P15.8 bilyon ay katumbas ng 857 milyon ng masustansyang pagkain na maaaring maihain sa mga bata ng dalawang nabanggit na ahensya ng pamahalaan.
“(The) costing for 2024 might still be adjusted to inflation, but it will not change the fact that the two agencies will have in their hands a big catering operation next year,” pagtatapos ni Recto.