PAGKATAPOS ng kabi-kabilang kalamidad bunsod ng labis na tag-init, bagyo, baha at lindol, chillax muna ang mga Pinoy na makakaranas ng kakaibang lamig sa pagsapit ng Pasko.
Batay sa pagtataya ng The Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), posibleng bumaba ng hanggang 7.9°C ang temperatura bunsod ng Amihan.
“Mas bababa pa po ang ating temperature… so mas lalamig pa po sa mga susunod na weeks and months,” wika ni Anna Liza Solis na tumatayong hepe ng Climate Monitoring and Prediction Section ng naturang ahensya.
Aniya, mananatili ang malamig na temperatura sa loob ng tatlong buwan (mula Disyembre hanggang Pebrero) na tinawag niyang “peak season” ng Amihan.
Sa impormasyong ibinahagi ng opisyal, naglalaro mula 11.4°C hanggang 14.3°C ang pinakamalamig na naitala ng PAGASA sa unang bahagi ng Disyembre.
Pagsapit naman aniya ng Enero, asahan ang mas malamig na panahon na maglalaro mula sa 7.9°C hanggang 11.8 °C. (LILY REYES)
