
NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
“GAMOT at pagpapagamot ng Pilipino, dapat sagot ng gobyerno,” hirit ng isang mambabatas kasabay ng panawagan amyendahan ang ang Republic Act 11223 na mas kilala sa tawag na Universal Healthcare (UHC) Act.
Para kay Congressman Manoy Wilbert “Wise” Lee higit na angkop magkaroon ng komprehensibo at nararapat na pagtaas sa iba’t-ibang benepisyong saklaw ng mandato ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), gayundin ang pagpapababa sa buwanang kontribusyon ng ng mga miyembro.
“Various challenges and issues hinder the objectives of the UHC. These include lack of legal provisions that mandate the regular and periodic review of the responsiveness of benefit packages that should lower the out-of-pocket medical costs of Filipinos, inefficiencies in managing funds, and public health emergencies that disrupt the law’s implementation,” disymayadong pahayag ng Bicolano solon.
“Ilang taon na mula nang naisabatas ang Universal Healthcare Act pero nandyan pa rin ang matinding pangamba ng mga Pilipino sa pagkakasakit dahil sa takot na malubog sa utang at kahirapan dahil walang pambili ng gamot o pambayad sa ospital. Hindi ito deserve ng Pilipino. Kailangang palakasin pa ang UHC Law para mas mabawasan ang pasanin at alalahanin ng ating mga kababayan sa kanilang kalusugan,” dagdag pa niya.
Nauna rito, inihain ni Lee ang House Bill 10995 na naglalayong baguhin ang ilang probisyong nilalaman ng UHC Act upang solusyunan na rin ang iba’t-ibang hadlang sa tunay na adhikain ng nito na magkaroon ng tunay at sapat na serbisyong pangkalusugan ang mga Pilipino.
Kabilang sa mga isinusulong ni Lee sa pagbabago sa naturang batas ay ang mandato ng Health Technology Assessment Council na dapat sana’y regular na nagsasagawa ng pag-aaral para tiyakin ang bawat benepisyo ng PhilHealth ay angkop sa kasalukuyang panahon at pangangailangan ng mga miyembro.
Mungkahi pa ni Lee, bawasan ang premium contributions ng PhilHealth members sa 4 percent sa susunod na taon.
Nakapaloob din sa HB 10995 ang pagbibigay ng kapangyarihan sa Pangulo ng bansa suspendihin ang pagtaas ng PhilHealth premium contribution lalo na sa panahong may national emergency, public health emergency, o state of calamity.
“Sa pagbubukas ng Kongreso, tututukan po natin ang agarang pagsasabatas ng panukalang ito na kailangan para maabot ang pinaka-layunin ng UHC,” garantiya ng mambabatas.
“Napakaraming pera ng PhilHealth, dapat ilaan ito di lang sa pagpapalawak ng mga benepisyo para sa mga Pilipino, kundi pati na rin sa pagpapababa ng kontribusyon na isa ring mabigat na pasanin ng marami nating kababayan,” dugtong niya,
“Hindi na pwede ang kulang-kulang na serbisyo at tingi-tinging dagdag sa mga benepisyong pangkalusugan. Hangad po natin na ang gamot at pagpapagamot ng bawat Pilipino, sagot na ng gobyerno. Gamot Mo, Sagot Ko! Yan ang ating ipinaglalaban, at patuloy natin itong tututukan hanggang sa maramdaman ng ating mga kababayan, lalo na ng mas nangangailangan,” wakas na pahayag ni Lee.